Maaaring manatili pa rin sa Pilipinas ang US Typhoon missile system kahit pa matapos na ang military excercises sa pagitan ng Pilipinas at US.
Maalalang idineploy ang mga naturang missile system noong Abril at dinala sa isang tagong lokasyong sa Luzon. Ito ay unang ginamit sa unang yugto ng Salaknib Exercise at sunod na nagamit sa Balikatan Exercise noong Abril hanggang June.
Sa ikalawang yugto ng Salaknib na una nang nagsimula at magpapatuloy hanggang Setyembre, muli itong ginagamit sa pagsasanay ng mga sundalo.
Ayon kay Philippine Army spokesman Col. Louie Dema-ala, kahit matapos na ang military drill sa Setyembre ay maaaring manatili pa rin sa Pilipinas ang naturang mga missile system. Kailangan pa aniya na magkaroon ng serye ng training evaluation bago pag-desisyonan ang pag-alis sa mga ito mula sa bansa.
Paliwanag ng opisyal kung matukoy na hindi naabot ang layunin ng naturang drill, maaaring mananatili pa rin sa Pilipinas ang kontrobersyal na gamit-pandigma.
Paliwanag pa ng opisyal, ginagamit lamang ito para sa training ng mga sundalong Pilipino ngunit hindi pa ito ni minsan nagagamit sa live-fire drill.
Maalalang tinutuligsa ng bansang China at Russia ang pagpasok ng naturang missile system sa Pilipinas noong unang bahagi ng 2024.