Muling tiniyak ng Estados Unidos ang suporta nito sa Mutual Defense Treaty (MDT) ng Pilipinas matapos ang “mapanganib at iresponsableng” paglapit ng isang Chinese military helicopter sa isang eroplano ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa Bajo de Masinloc.
Kinondena ng US State Department ang ginawang panghihimasok ng People’s Liberation Army Navy (PLAN) ng China at nanawagan sa Beijing na itigil ang mga mapanupil na aksyon nito.
Ayon sa US, sakop ng 1951 Mutual Defense Treaty (MDT) ang anumang pag-atake laban sa mga sandatahang lakas, pampublikong sasakyang pandagat, o sasakyang panghimpapawid ng Pilipinas—kasama ang Coast Guard—kahit saan sa West Philippine Sea.
Maaalalang sinabi ng Philippine Coast Guard (PCG) na lumapit nang hanggang tatlong metro ang Chinese helicopter sa eroplano ng BFAR noong Pebrero 18, na nagdulot ng seryosong panganib sa mga piloto at pasahero.
Samantala, iginiit ng China na iligal na pumasok sa kanilang teritoryo ang eroplano ng Pilipinas at tinawag na “false narratives” ang pahayag ng Pilipinas tungkol sa insidente.
Nakatakdang magsampa ng diplomatic protest ang gobyerno ng Pilipinas laban sa China kaugnay ng insidenteng ito.