Nagbigay ang Estados Unidos ng mahigit P24-milyon upang makatulong sa immunization program ng Pilipinas laban sa measles, rubella, at polio.
Sa isang pahayag, sinabi ng US Embassy na nakipag-partner sa pamahalaan ng Pilipinas at iba pang mga development partners ang US government, sa pamamagitan ng US Agency for International Development (USAID), upang ilunsad ang second phase ng Measles-Rubella at Oral Polio Vaccine Supplemental Immunization Activity.
Kasama sa naturang immunization campaign ang buong Visayas, Metro Manila, Central Luzon at Calabarzon.
Layon ng gobyerno ng Pilipinas na mabakunahan laban sa polio ang 4.8-milyong kabataan na nasa edad lima pababa, at 5.1-milyon naman laban sa tigdas at rubella.
Sa pamamagitan ng partnership sa UNICEF, kasama sa tulong ng USAID ang technical expertise, logistics support at community engagement para sa vaccination campaign.