Nag-isyu ng 30 araw na ultimatum ang Amerika sa Israel para palakasin ang humanitarian aid access sa Gaza at sakaling mabigo, nagbantang ititigil ang military aid.
Ginawa ng Biden administration ang naturang warning sa isang sulat na ipinadala sa gobyerno ng Israel na itinuturing na pinakamatinding pormal na babalang inisyu nito sa kanilang kaalyadong bansa simula ng sumiklab ang giyera sa Gaza.
Nilagdaan nina US Secretary of State Antony Blinken at Defense Secretary Lloyd Austin ang naturang sulat nitong Martes. Dito, inihayag din ng US na labis itong nababahala sa deteriorating humanitarian situation sa rehiyon.
Nakasaad din sa sulat na tinanggihan o pinigilan ng Israel ang halos 90% ng humanitarian aid na ipinadala sa Gaza noong nakalipas na buwan.
Sinabi din ng US na napilitan ang nasa halos 2 milyong katao na lumikas sa Gaza strip kung saan mataas ang banta ng lethal contagion dahil sa matinding overcrowding.
Sa ngayon, nire-review na ng Israel ang pinadalang formal letter ng US at sinabing kanilang seryosong pinag-aaralan ang naturang usapin at target na tugunan ang mga concern na idinulog ng kanilang US counterparts.