-- Advertisements --

Nag-isyu ng public health alert ang Amerika partikular na ng Department of Agriculture Food Safety and Inspection Service (USDA-FSIS) sa ilang ready-to-eat meat at poultry products na ilegal na inangkat mula sa Pilipinas.

Sa anunsiyo ng ahensiya sa kanilang website, sinabi nito na hindi umano kwalipikado ang Pilipinas na mag-export ng meat at poultry products sa US na nagresulta sa mga pangamba kung ligtas ba ang nasabing mga proodukto.

Kabilang sa mga produktong ito ay ang 150-g., 175-g at 260-g can ng “Argentina BRAND CORNED BEEF”; gayundin ang 150-g. can at 210-g can ng “PUREFOODS CORNED BEEF.”

Kasama din ang 150-g. can at 190- can ng “CHUNKEE CORNED BEEF.” at ang 7.43-oz. jar ng “Lady’s Choice Chicken Spread.”

Ayon sa Food Safety and Inspection Service, nadiskubreng hindi kwalipikadong produkto ang mga ito sa isinagawang routine suveillance activities sa isang retailer.

Ipinadala umano ang nasabing items sa isang restaurant at retail locations sa Connecticut, Delaware, Maryland, New Jersey, New York, North Carolina, Ohio, South Carolina, at Virginia.

Iniimbestigahan na ng ahensiya kung paano nakapasok ang nasabing mga produkto sa US.

Subalit nilinaw naman ng US agency na walang kumpirmadong ulat kaugnay sa adverse reactions sa pagkonsumo ng nasabing mga produkto.