Nagpaabot ng babala ang Amerika sa United Nations (UN) matapos na makatanggap ng impormasyon na may hawak ang Russia na listahan ng Ukrainians na papatayin o ipapadala sa mga kampo sa oras na mangyari ang military occupation.
Ayon sa liham na ipinadala sa UN High Commissioner for Human Rights Michelle Bachelet, nakasaad na lubhang nababahala ang Amerika kasabay ang babala nito sa posibleng “human rights catastrophe”.
Sa naturang liham, inihayag ng Amerika na mayroon din silang natanggap na impormasyon na maaaring gumamit ang Russian forces ng lethal measures para magpakalat ng mapayapang protesta para sa nakaambang pagtutol ng sibilyang mamamayan.
May lagda ni Bathsheba Nell Crocker, US ambassador to the UN ng Geneva ang naturang liham na nagbabala pa na ang posibleng paglusob ng Russia sa Ukraine ay maaaring magresulta ng mga pag-abuso gaya ng kidnapping o torture at maaaring ilan sa mga target ang mga political dissidents at religious at ethnic minorities.