-- Advertisements --

Nag-donate ang Amerika ng communication tower para sa Philippine Coast Guard (PCG) station sa Zambales.

Ito ay para mapahusay pa ang monitoring sa West Philippine Sea.

Ayon kay Commander Euphraim Jayson Diciano, hepe ng PCG station sa Zambales, isinagawa ang programa para sa pormal na pagtanggap ng donasyon sa bayan ng Botolan kung saan ipapatayo ang bagong pasilidad.

Dumalo sa programa ang mga kinatawan mula US Embassy Civil Military Support unit, PCG officials at local government executives.

Ipapatayo ang nasabing tower sa 225 square meter property na binili ng lokal na pamahalaan ng Botolan mula sa isang pribadong may-ari na i-dinonate sa PCG.

Popondohan din ng provincial government ng Zambales ang pagtatayo ng PCG barracks sa naturang site.

Ayon kay Commander Diciano, magbibigay ng malawak na radio coverage ang strategic location ng pasilidad sa Mount Calib-ungan sa Barangay Porac, Botolan para mas mapadali ang komunikasyon sa PCG vessels lalo na sa pagsasagawa ng patrol operations sa Panatag shoal at iba pang karatig na lugar.