Nagpaabot ng dagdag na tulong ang gobyerno ng Estados Unidos, sa pamamagitan ng U.S. Agency for International Development (USAID).
Umaabot sa P196 million ($3.5-M) upang suportahan ang Philippine government response sa Bagyong Kristine.
Sa pamamagitan ng tulong na ito, susuportahan ng USAID ang mga logistic at magbibigay ng malinis na tubig, sanitasyon, tirahan, at tulong-pinansyal upang matulungan ang mga residente sa mga pinaka-apektadong lugar sa Bicol at Batangas at maalalayan ang kanilang pangunahing pangangailangan.
Ang tulong na ito ay para rin sa mga komunidad na naapektuhan ng mga kasunod pang sakuna.
Nabatid na ang bagong pondong ito ay karagdagan sa P84 million ($1.5-M) na inanunsyo noong Oktubre upang magbigay ng pang-emergency shelter at iba pa, na nagpapataas sa kabuuang halaga ng suporta ng America para sa pagtugon sa sakuna ng Pilipinas sa P280 million ($5-M).
Ayon kay U.S. Ambassador to the Philippines MaryKay Carlson, bilang kaibigan at kaalyado, ang Estados Unidos ay nakatuon sa pakikipagtulungan sa pamahalaan at mamamayan ng Pilipinas habang sila ay muling bumabangon mula sa matinding kalamidad.
Mula noong Oktubre 25, ang Estados Unidos ay nakikipagtulungan sa humanitarian agencies upang magbigay ng tulong sa mga komunidad na naapektuhan ng bagyo at mga pagbaha.
Ang Office of Civil Defense (OCD) ng Pilipinas ay nag-distribute ng 1,500 shelter-grade tarpaulins at 1,500 kitchen sets na pinondohan ng USAID sa mga pamilyang apektado ng sakuna sa Albay at Camarines Sur.
Ang mga relief items na ito ay nakaposisyon na sa OCD humanitarian relief depot sa Fort Magsaysay, isang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) site sa Nueva Ecija.