-- Advertisements --

Nagpadala rin ang Amerika ng kanilang aircraft carrier sa karagatan ng Pilipinas ilang araw matapos mamataan ang mga barko ng China sa rehiyon.

Ayon sa US Navy, kasalukuyang nago-operate ang Nimitz Carrier Strike Group na pinangungunahan ng flagship nito na USS Nimitz (CVN 68) sa karagatan ng Pilipinas kasunod ng scheduled port visit sa Guam.

Nagpapakita aniya ito ng operational readiness ng naturang barko at commitment ng US Navy na magkaroon ng ligtas at maunlad na Indo-Pacific region.

Sa isang statement, sinabi ni Carrier Strike Group 11 commander Rear Admiral Maximilian Clark na ang pag-operate ng kanilang hukbo sa naturang karagatan bilang isang strike group ay lumilinang pa sa kanilang kakayahan para manatiling persistent at capable forces sa karagatan at maging handa na magbigay sa kanilang mga lider ng malawak na spectrum ng military capabilities para tumugon sa anumang krisis o contingency.

Maliban pa nga sa Nimitz, kasama din sa strike group ang Carrier Air Wing 17 at Destroyer Squadrom 9 na binubuo naman ng USS Gridley (DDG-101), USS Lenah Sutcliffe Higbee (DDG-123), USS Curtis Wilbur (DDG-54) at USS Wayne E. Meyer (DDG-108).

Sa kasalukuyan, nago-operate ang naturang mga barko sa ilalim ng U.S. 7th Fleet area of operations, ang pinakamalaking forward-deployed numbered fleet ng US Navy.

Matatandaan nauna ng kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) noong araw ng Huwebes na namataan ang Chinese aircraft carrier na Shandong malapit sa bansa habang dumadaan ito patungong Philippine Sea na may 8 pang escorts.