Nagpadala na ang US ng guided missile submarine sa Middle East, kasabay ng inaasahang rataliatory attack mula sa iran at mga militanteng grupong Hamas at Hezbollah.
Ipinag-utos ni US Defense secretary Lloyd Austin ang pagpapadala na ng uss georgia guided missile submarine sa naturang rehiyon, habang pinabilisan na rin ng kalihim ang biyahe ng USS Abraham Lincoln Carrier Strike Group patungo rin sa Middle East.
Ang naturang warship ay may mga sakay na F-35c fighter jets na maaari ding magamit kung kinakailangan.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng hayagang pagsuporta ng us sa Israel laban sa posibleng mga pag-atake mula sa mga militanteng grupo, kasabay na rin ng halos isang taon nang Israel-Hamas war.
Ang pag-disclose sa pangalan ng ipapadalang submarine ay isa sa mga hindi gaanong ginagawa ng us ngunit sa pinakahuling hakbang ng US Defense Secretary ay agarang binuksan/inilabas ang naturang impormasyon sa publiko.
Maalalang kamakailan ay napatay ang political leader ng hamas na si ismail haniyeh habang siya ay nasa kanyang tahanan sa Tehran, Iran. Itinuturong may gawa rito ay ang Israel ngunit hanggang sa kasalukuyan ay nananatiling tikom ang bibig ng naturang bansa.
Agad namang nagbanta si Iran Supreme Leader Ayatollah Ali Khamenei ng ‘severe punishment’ laban sa gumawa ng naturang pag-atake.
Ang naturang banta ay siyang pinaghahandaan ngayon ng israel, bagay na tinutulungan ng mahigpit nitong kaalyado na Estados Unidos.
Samantala, sinabi rin ng kalihim na mananatili ang us na susuporta sa Israel.
Ayon kay austin, kung aatakehin ang israel, tutulong ang us sa pagdepensa sa kaalyadong bansa.
Gayonpaman, ayaw aniya ng US na makita ito, bagkus ay patuloy itong makikipagtulungan upang magkaroon ng kapayapaan sa middle east at matigil na ang giyera na kinasasangkutan ng Israel, Palestine, atb pang bansa.