-- Advertisements --

Gumawa ng draft resolution ang United States para sa United Nations Security Council na ipinapanawagan ang temporary ceasefire sa Gaza Strip.

Nakapaloob din sa resolusyon na binabalaan nito ang Israel na huwag ituloy ang pag-atake sa Rafah. Inanunsiyo kasi ng Israel na plano nitong atakihin ang Rafah kapag hindi pa pinakawalan ang mga Israeli na bihag nito hanggang sa ika-10 ng Marso.

Ang Rafah ay lugar sa Southern Gaza na naging takbuhan ng ng 1.4 million na residente para makaiwas sa sentro ng digmaan. Kaya pinangangambahan ng international community na magdudulot ito ng pagkasawi ng libo-libong sibilyan sakaling ituloy ng Israel ang plano nito.

Ayon sa mga ulat, ito raw ang unang pagkakataon na ginamit ng US ang salitang ‘ceasefire’ sa gitna ng gulo ng Israel at Hamas. Matatandaan na ally o kakampi ng US ang bansang Israel kung saan ayaw umano ng Israel ang salitang ‘ceasefire’ sa kahit anong resolusyon.

Simula nang pumutok ang gulo sa pagitan ng Israel at Hamas, dalawang beses nag-veto ang US sa resolusyon ng Security Council. Gayunpaman, dalawang beses din itong nag-abstain dahilan para mapalakas ang humanitarian aid ng UN sa Gaza.

Nauna na ring gumawa ng resolusyon ang bansang Algeria para sa agarang humanitarian ceasefire sa pagitan ng Israel at Hamas.