Nagpasalamat ang US State Department sa Pilipinas sa pagpayag na pansamantalang manatili sa bansa ang mga Afghan nationals habang pinoproseso ang kanilang US visa.
Batay sa inilabas na statement ng State Department, pinapahalagahan umano ng US ang suportang ipinakita ng Pilipinas para sa mga Afghan allies ng ng Amerika.
Kinikilala rin umano ng US ang mahaba at positibong kasaysayan ng bilateral cooperation sa pagitan ng dalawa.
Ang mga Afghan nationals na kailangang mailipat o mailikas ay ang mga dating nagsilbi sa US government sa Afghanistan at eligible na para magkaroon ng US special immigrant visa.
Ang mga ito ay unang naiwan noong nilisan ng US ang Afghanistan noong 2021, kasunod na rin ng pagpasok ng mga Taliban militants.
Taong 2022 noong unang inilapit ni Secretary of State Antony Blinken ang kahilingan na pansamantalang manatili sa Pilipinas ang mga Afghan.
Pinag-usapan din ito nina US President Joe Biden at PBBM noong bumisita ang huli sa US noong nakalipas na taon.
Una nang sinabi ni Department of Foreign Affairs spokesperson Assistant Secretary Teresita Daza na ang bawat Afghan national ay pansamantala lamang mananatili sa Pilipinas sa loob ng 59 araw.
Babalikatin ng US ang lahat ng gastusin ng mga ito kabilang na ang pagkain, pabahay, seguridad, medical, at transportation expenses.