-- Advertisements --

Nakiramay ang Amerika sa pagkasawi ng Pilipinong pulis na kabilang sa mga biktima ng malagim na US plane crash na kumitil sa 67 katao.

Sa isang mensahe sa X account ngayong Sabado, Pebrero 1, nagpaabot ng pakikiramay si US Ambassador to the Philippines MaryKay Carlson sa naulilang pamilya ng nasawing pulis na si PCol. Pergentino Malabed at sa kaniyang mga kasamahan sa Philippine National Police (PNP).

Aniya, ang serbisyo at commitment ni Malabed sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad ay hindi kailanman malilimutan.

Una rito, nasa official travel para sa pre-delivery inspection ng all-purpose vests si Malabed na tumatayong hepe ng PNP Supply Management Division nang mangyari ang insidente. Dinala niya ang 5 vests at lumipad patungong Amerika para sa karagdagang testing o pagsusuri noong Enero 27.

Nag-exit call siya sa police attache sa Washington D.C. saka iniulat kalaunan na kaniyang bibisitahin ang kaniyang kapatid sa South Carolina lulan ang American passenger plane galing ng Kansas subalit sa kasamaang palad ay sumalpok ang aircraft habang nasa ere papalapit sa runway ng Reagan airport sa isang US Army helicopter na nagsasagawa naman noon ng training flight noong gabi ng Miyerkules, Enero 29.