-- Advertisements --
World AIDS Day 2019

Umabot na ng P875 million ang ibinigay na tulong ng Estados Unidos para suportahan ang mga hakbang na ginagawa ng Pilipinas upang maiwasan at gamutin ang mga indibidwal na may HIV-AIDS.

Magsisimula na ngayong buwan ng Disyembre ang inilunsad ng Washington na pinaka-bagong President’s Emergency Plan for AIDS Relief (PEPFAR)-funded program, bilang paggunita sa World AIDS Day.

Sa pamamagitan ng naturang programa, halos P875 million na pondo ang gagamitin upang talakayon ang dumadami pang bilang ng mga Pilipino na may HIV. Napag-alaman kasi ng embahada ng US sa Maynila na ang Pilipinas ang nangunguna sa mga bansa sa Asia-Pacific region na may dumadaming kaso ng HIV.

Ang proyektong ito ay pangangasiwaan ng US Agency for International Development (USAID), US Centers for Disease Control, US Health Resources and Services Administrationm at US Department of Defense, katuwang ang Department of Health (DOH) at iba’t ibang local community organizations.

Ayon kay USAID Acting Mission Director Patrick Wesner, nananatiling tapat ang Amerika sa pangako nito na tutulungan ang gobyerno ng Pilipinas na talakayin ang naturang sakit. Ito ay para na rin magkaroon umano ng development objectives ang pamahalaan pagdating sa kalusugan at progreso.

Batay sa pinaka-huling datos mula sa DOH-Epidemiology Bureau, tinatayang aabot na ng mahigit 110,000 Pilipino ang namumuhay na may HIV ngayong taon; 37,000 naman ang hindi pa nada-diagnose, at halos 18,500 pa ang kinakailangang i-enroll sa life-saving antiretroviral (ART) therapy.

Ang bagong programa na ito ay magbibigay din ng suporta sa Philippine government upang maabot nito ang UNAIDS 95-95-95 targets para sa HIV epidemic control.

Ibig sabihin lamang nito na 95 percent sa mga infected ng HIV ay alam ang kanilang status, 95 percent din ang nakakatanggap ng tamang gamutan at 95 percent din sa mga ginagamot ang nagtatagumpay.

Focus ng PEPFAR program ang Metro Manila, Region 3 (Central Luzon) at Region 4A (Calabarzon), na ngayon ay itinuturing bilang highest HIV burden areas sa buong bansa.