Positibo ang commanding officer ng US Navy aircraft carrier na USS Theodore Roosevelt na kakayanin na ng barko na magpatuloy sa kanilang misyon bago pa man sumapit ang Memorial Day ngayong linggo.
Ito’y matapos ang naranasang pagsubok ng barko kung saan mahigit 1,000 sa mga sakay nitong manlalayag ang nagpositibo sa coronavirus disease.
Ayon kay Capt. Carlos Sardiello, kasama sa pagbabalik-operasyon ng USS Theodore Roosevelt ang halos 3,000 manlalayag nito habang ang ibang crew members ay mananatili muna sa Guam kung saan namalagi ang naturang barko sanhi ng outbreak.
Hindi umano magsisilbing hadlang para sa kanila ang pandemic kahit pa na karamihan sa mga manlalayag ng barko ang patuloy pang nagpapagaling.
Tila kinuha naman ng China ang oportunidad na ito para paigtingin pa ang di-umano’y ginagawa nitong harassment sa US military at iba pang ka-alyado ng Estados Unidos sa kabila ng global pandemic.