Nagbigay pugay ang US Navy at Air Force jets sa mga health care workers na nasa frontines at lumalaban sa coronavirus pandemic.
Makikitang nag-formation ang mga fighter jets para mapagpakitang gilas na sinabayan pa nang pagbuga ng usok sa mga likurang bahagi para mag-iwan ng kanilang mga dinaanan sa kalangitan.
Inabot din ng 20 minuto ang pagpapakitang gilas nang naturang air show na sinabayan ng malakas na pagdagundong habang paikot ikot sa mga lugar kung saan itinuturing ang epicenter ng COVID-19.
Nanguna naman ang US Air Force Thunderbird F-16 jets at US Navy Blue Angels sa paglipad sa kalawakan ng Manhattan, New Jersey at Pennsylvania.
Nagpalakpakan naman ang ilang mga residente na nakakita sa nasabing airshow.
Magugunitang nagtala ng maraming mga nasawi ang New York matapos kumalat ng husto ang coronavirus.
Samantala nitong araw lumampas na sa isang milyon ang mga kaso ng COVID sa Amerika (1,035,765), habang ang mga nasawi ay umakyat na ang bilang sa 59,266.