-- Advertisements --

TOKYO – Muntik na umanong makabanggaan ng isang Russian destroyer ang isa sa mga guided-missile cruisers ng US Navy sa bahagi ng Philippine Sea.

“While operating in the Philippine Sea, a Russian Destroyer Udaloy I DD 572 made an unsafe maneuver against USS Chancellorsville,” wika ni U.S. Seventh Fleet spokesman Cmdr. Clayton Doss.

Inilarawan pa ni Doss na ang pagpilit ng Russia na ang barko ng US ang kumilos nang mapanganib ay isang uri ng “propaganda.”

Paliwanag ni Doss, nasa 50 hanggang 100 talampakan lamang ang layo ng Russian destroyer sa Chancellorsville.

Ayon naman sa mga Russian authorities, ang US naval ship ang nagsagawa ng alanganing maniobra nang maglayag ito malapit sa kanilang barko.

Sa pahayag ng Pacific Fleet ng Russia, bigla na lamang daw lumiko ang USS Chancellorsville guided-missile cruiser habang naglalayag sa tabi ng Admiral Vinogradov anti-submarine ship ng Russia, at sinalungat ang daan ng Russian vessel.

Depensa ng Russia, kinailangang magsagawa ng emergency maneuver ng kanilang barko upang makaiwas sa isang collision, at nagpadala pa raw sila ng mensahe ng protesta sa mga commander ng US cruiser.

Inakusahan naman ng dating navy chief of staff ng Russia na si Admiral Viktor Kravchenko ang US ng “hooliganism.”

Palaging nag-aakusahan ang Russia at US sa isa’t isa sa pagsasagawa ng peligrosong naval o aerial maneuvers.

Noong Hunyo 2016, nagbuweltahan ang Moscow at Washington matapos maglayag nang magkalapit ang kanilang naval ships sa eastern Mediterranean. (Reuters)