Nirescue ng US Navy ship ang 21 Filipino seafarers mula sa M/V Tutor at kasalukuyang patungo na ang mga ito sa Bahrain.
Ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Cacdac, inaasahang darating sa Port of Manama, Bahrain bandang alas-10:30 ng gabi (PH time) at bandang 5:30pm Bahrain time.
Inihayag ni Cacdac na isang team mula sa DMW, Migrant Workers Office (MWO) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), sa ilalim ng ‘One-Country Team Approach’ na pangungunahan ng Philippine ambassador in Bahrain magtutungo sa Manama Port para salubungin ang 21 seafarers.
Sinuguro naman ni Cacdac na bibigyan ng sapat na tulong ang mga nasabing seaman.
Binigyang-diin ni Cacdac na ang administrasyon ni Pang. Ferdinand Marcos Jr ay nagpapatupad ng whole-of-government approach para tulungan ang mga Pinoy seaman na biktima ng pag atake ng Houthi rebel sa Red Sea.
Inihayag pa ni Cacdac na ang Department of Foreign Affairs (DFA) ay nakikipag ugnayan ngayon sa kanilang mga foreign counterparts para sa pagpapalaya sa 17 Filipino seafarers na binihag ng Houthi rebels nuong nakaraang taon.
Umaasa si Cacdac na magkaroon ng positibong resulta ang pag-uusap para mapalaya ang mga bihag na Pinoy seaman mula sa kamay ng Houthi rebels.
Ginawagan na rin ng paraan sa ngayon para maibalik sa bansa ang labi ng dalawang Filipino na nasawi sa pag atake ng Houthi rebels sa barkong True Confidence.
Nasa 17 Filipino seafarers ang bihag ng Houthi rebels ng salakayin ang kanilang sinasakyang barko ang Galaxy Leader.