Nilinaw ng Estados Unidos na hindi ito nakikigiyera kontra sa Russia sa gitna ng pagsuporta sa Ukraine.
Ginawa ni United States Department of Defense (DoD) Press Secretary Air Force Maj. Gen. Pat Ryder ang paglilinaw kasunod ng tuloy-tuloy na pagpapadala ng US ng suporta para sa Ukraine na siya namang ginagamit ng huli para sa opensiba nito kontra Russia.
Maalalang nitong pagsisimula ng Agusto ay sinimulan ng Ukraine ang counter offensive at pinasok ang border ng Russia hanggang sa Kursk Region.
Ayon kay Ukrainian Pres Volodymyr Zelensky, nakatulong ng malaki ang mga military shipment na galing sa mga kaalyadong bansa lalo na ang US.
Paglilinaw ni Gen. Ryder, hindi ginigiyera ng US ang Russia bagkus ay sinusuportahan lamang nito ang Ukraine na naunang nilusob. Ang suporta ng US aniya ay mahalaga upang maprotektahan ng Ukraine ang teritoryo at mamamayan nito.
Paglilinaw ng heneral, hindi sila binigyan ng Ukraine ng advance information bago pumasok sa Kursk region.