Nagpahayag ng interes ang top nuclear energy company na nakabase sa Estados Unidos na mamuhunan sa Pilipinas matapos ang pagpupulong kasama si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kaniyang official visit sa Amerika ayon sa Palasyo Malacanang.
Ibinunyag ng Presidential Communications Office (PCO) na inaasahang mag-invest ng US$6.5 billion hanggang US$7.5 billion ang Oregon-based NuScal Power Corporation na kilala sa pag-develop ng ligtas na modular at scalable small nuclear power system para makapagbigay ng 430 megawatts sa bansa sa taong 2031.
Sinabi din ni Pangulong Marcos na may kakulangan sa suplay ng kuryente sa bansa na matutugunan aniya sa pamamagitan ng suporta mula sa kompaniyang NuScale.
Sa nasabing pagpupulong, sinabi ng NuScale na pinaplano nitong pag-aralan at tukuyin ang site sa Pilipinas para sa bagong teknolihiya sa enerhiya.
Kumpiyansa naman si Clayton Scott, NuScale executive vice president for business, na gagana gaya ng inaasahan ang small modular reactor (SMR) technology ng NuScale.
Ang naturang kompaniya ay mayroon ding mga proyekto sa US state ng Utah, Romania, Indonesia at Poland na nagbibigay ng ligtas, relibal at cost competitive clean energy para sa mga consumer.