Inanunsiyo ng top diplomat at defense secretary ng Amerika na unti-unti ng magbabalik ang mga US diplomats at pagtalaga ng bagong ambassador sa Ukraine.
Ito ay kasunod ng pagbisita nina Secretary of State Antony Blinken at Secretary of Defense Lloyd Austin sa Kyiv at pakikipagpulong kay President Volodymyr Zelensky.
Ang pagbisitang ito ng mga opisyal ng Amerika ay para ipakita ang suporta ng western para sa Ukraine at pangako ng panibagong military support na mahigit $322 million para sa Ukraine.
Kasama ito sa aabot na sa kabuuang $3.7 billion na security assistance ng US sa Ukraine mula ng magsimula ang Russian invasion.
Kalakip ng panibagong military support na ito ng Amerika ang mga pangangailangan ng Ukraine lalo na sa paglaban sa Donbas region at upang matulungan ang Ukraine armed forces tungo sa pagkakaroon ng advanced weapons at air defense systems.
Magbibigay din ang Amerika ng $400 million military support para sa 15 iba pang nasyon sa central at Eastern Europe at sa Balkans.
Inanunsiyo rin ng opisyal na pormal na itinalaga ni President Joe Biden bilang US ambassador to Ukraine ang kasalukuyang US ambassador to Slovakia Bridget Brink.
Inihayag din ni Blinken na bigo ang Russia na makamit ang mga layunin nito sa giyera habang nagtagumpay naman aniya ang Ukraine.