-- Advertisements --

Nagpasiklab agad si Serena Williams sa kanyang pagbabalik sa US Open makaraang ilampaso nito ang kanyang matagal nang karibal na si Maria Sharapova.

Pinataob ni Williams si Sharapova sa paghaharap nila sa unang round, 6-1, 6-1, na natapos lamang sa loob ng 59 minuto.

Matatandaang naging kontrobersyal ang kampanya ng 37-anyos na si Williams noong nakaraang taon sa finals ng torneyo.

Tinawag kasi ni Williams na “mandaraya” at “sinungaling” ang umpire matapos na mabigo ito sa kamay ni Naomi Osaka.

Pero mistulang iba ang mood ngayon nang kanyang pakainin ng alikabok ang 32-anyos na Russian sa ika-19 sunod na pagkakataon.

Ang eighth seed na si Williams, na tatangkaing masungkit ang kanyang 24th Grand Slam title, ay limang beses na binasag ang serve ni Sharapova, rason para umusad na ito sa second round sa Flushing Meadows.

“Obviously I’m going against a player who has won five Grand Slams and reached the final of even more so I knew it would be tough,” ani Williams.

“I was super intense and super focused because it was an incredibly tough draw.

“Whenever I come up against her I play my best tennis.”