Pinangalanan ngayon bilang top seeds para sa darating na US Open ang kapwa world No. 1 at defending champions Novak Djokovic at Naomi Osaka.
Si Djokovic, na tatangkaing masungkit ang ika-17 Grand Slam singles title sa New York sa susunod na linggo, ay pangungunahan ang men’s field kasama si Rafael Nadal na second seeded.
Ikatlo naman si dating world No. 1 Roger Federer, na susubukang ibulsa ang ika-21 Grand Slam crown.
Gaganapin ang draw para sa men’s at women’s singles sa Biyernes (Manila time).
Sa women’s draw, si Osaka ang rank No. 1, habang eighth seeded naman si 2018 runner-up Serena Williams.
Maalalang nakuha ni Osaka ang una nitong Grand Slam title sa isang kontrobersyal na panalo kontra kay Williams noong nakaraang taon, na nasundan ng tagumpay nito sa Australian Open noong Enero.
Samantala, second seeded naman si French Open champion Ashleigh Barty, at third seeded naman si dating world No. 1 Karolina Pliskova ng Czech Republic.