Papatawan ng Estados Unidos ng panibagong sanctions ang Iran kasunod ng paglulunsad ng sangkatutak na missile at drone strike sa Israel noong weekend.
Ito ang inanunsiyo ni White House national security adviser Jake Sullivan nitong gabi ng Martes, oras sa Amerika.
Sinabi ng US official sa isang statement na nakikipag-ugnayan ang Biden adminsitration ngayon sa international partners nito kabilang ang G7 nations at bipartisan leaders sa Congress para sa isang komprehensibong pagtugon sa pag-atake ng Iran.
Target ng bagong sanctions ang mga entity na sumusuporta sa Islamic Revolutionary Guard Corps at Iran Defense Ministry. Umaasa aniya ang US na susunod ang kanilang mga kaalyado at partners sa pagpapataw ng kanilang sanctions laban sa Iran.
Kaakibat nito ang pagpapalakas ng US defense agencies sa air at missile defense at early warning systems sa Middle east.
Samantala, nangako naman si Treasury Secretary Janet Yellen na hindi mag-aatubili ang US na magpataw ng economic punishment bilang tugon sa pag-atake ng Iran.
Nakatakdang himukin ni Yellen ang kapwa finance minsiters nito sa gaganaping taunang spring IMF meetings ngayong linggo para pagtuunan ng kanilang gobyerno ang posibleng ipataw na sanctions.
Inihayag naman ni White House national security spokesman John Kirby na ikinokonsidera din ng G7 na magpataw ng sanction sa layuning maihiwalay ang Iran sa buong mundo at mapaigting pa ang economic pressure sa rehimen sa Iran.