Hindi sang-ayon ang Malacañang sa paggamit ng Pilipinas sa Mutual Defense Treaty kaugnay sa insidente sa Recto Bank.
Magugunitang dismayado si Sen. Panfilo Lacson sa naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa insidente sa Recto Bank at nakalimutan ng pangulo na maaaring gamitin ang MDT sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, karapatan naman si Sen. Lacson sa kanyang opinyon pero kung sila ang tatanungin, maaga pa para gamitin na ng Pilipinas ang Mutual Defense Treaty.
Nakapaloob sa naturang tratado na maaaring tulungan ng US ang Pilipinas sa pagkakataong inaatake ito ng ibang bansa.
“Iyan ang jumping into conclusion kasi ang ibig sabihin noon may aggression, eh hindi pa nga natin alam iyong facts eh, pero kung sinalakay tayo, that treaty will be on operation,†ani Sec. Panelo.
Inamin naman ni Sec. Panelo na kung teritoryo lang ang pinag-uusapan, may paglabag na ang China dahil nasa loob sila ng ating exclusive economic zone (EEZ).
Kung sakali naman daw na mapatunayang may pananagutan ang mga Chinese crew sa mga Pilipinong mangingisda, maaari naman daw silang kasuhan sa korte.
Sa kabila nito, inihayag ni Sec. Panelo na nag-iingat pa rin si Pangulong Duterte para hindi mauwi sa krisis ang insidenteng ito dahil marami umano ang maaaring maapekuhan gaya ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa China.