Tinalakay nina US National Security Adviser Jake Sullivan at Philippine National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. ang parehong concerns ng Pilipinas ta Estados Unidos sa mga aktibidad ng China sa Julian Felipe Reef (Whitsun Reef) na nasa loob ng exclusive economic zone ng bansa.
Ginawa ng dalawang opisyal ang pag-uusap sa tawag ni Sec. Sullivan kay Sec. Esperon sa gitna ng pananatili ng halos 300 Chinese vessels sa nasabing teritoryo ng Pilipinas na malapit sa Palawan.
Nagkasundo ang dalawang opisyal na maituturing na isang banta ang presensya ng mga Chinese vessels at magpapatuloy ang koordinasyon ng Pilipinas at US sa pagtugon sa mga hamon sa South China Sea.
Batay sa statement ng White House, binigyang-diin ni Sullivan na kakampi ng Pilipinas ang Estados Unidos sa pagsusulong ng rules-based international maritime order at muling pinagtibay na maaaring gamitin o pairalin ang US-Philippines Mutual Defense Treaty sa South China Sea.
Maliban sa US, nagpahayag na rin ng pagkabahala ang Canada, Australia, Japan at iba pang kaalyadong bansa sa intensyon ng China sa nasabing agresibong hakbang sa pinagtatalunang karagatan.