Pinaplano ng Amerika na gawing mandato sa lahat ng dayuhang magpupunta sa Estados Unidos na maging fully vaccinated kontra COVID-19 bilang bahagi ng unti-unting pagtanggal ng travel restrictions sa ibang mga bansa.
Nakitaan kasi ng pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa partikular sa mga indibidwal na hindi pa nababakunahan kontra covid19 sa gitna ng pagkalat ng mas nakakahawang Delta variant.
Ayon sa opisyal ng White House, ang inter-agency working group ng Biden administration ay bumubuo na ng isang polisiya at nagpaplano ng proseso bilang paghahanda sa bagong sistema.
Ilan sa ikinokonsidera sa ngayon ay kung anong proof ang tatanggapin bilang katibayan na sila ay nabakunahan at kung papayagan ang ilang bansa na nabakunahan ng mga COVID vaccines na hindi pa nabigyan ng authorization ng FDA sa US.
Nakikipagdiskusyon na rin ang White House sa mga airlines at iba pang sektor kung paano iimplementa ang polisiya na nagre-require na dapat bakunado ang mga dayuhang traveler.
Ilang bansa na katulad ng Canada at UK ang nagluwag na ng mga restriksyon para sa mga bakunadong American travelers.