Plano umanong magbigay ng $1-B na military aid ng administrasyon ni US President Joe Biden sa Israel ayon sa mga ulat.
Kinausap na raw kasi ng opisyal ni Biden ang Kongreso ukol dito. Ito ay kahit na magugunitang tinutulan ng pangulo ng US ang tuluyang pag-atake ng Israel sa Rafah na naging takbuhan ng milyong Palestino para makaligtas sa giyera.
Base sa mga ulat, ipinadala na ng US Department of State ang package ng tulong sa Kongreso para sa pag-apruba nito.
Naglalaman umano ang tulong ng $700-M na tank ammunition, $500-M na tactical vehicles, at $60-M na mortar rounds.
Nitong nakaraang linggo lang ay ipinatigil ni Biden ang pagpapadala ng mga armas-pandigma sa Israel dahil nangangamba ito na baka ito’y gamitin sa pag-atake sa Rafah.
Gayunpaman, nauna na ring nilinaw ni White House National Security Advisor Jake Sullivan na patuloy silang magpapadala ng military aid sa Israel.