
Nangangamba ang World Health Organization (WHO) na posibleng maging sunod na epicenter ang Estados Unidos ng coronavirus disease 2019 o COVID-19.
Ito ay dahil umano sa patuloy na pagtaas ng mga nadadapuan ng nasabing virus.
Ayon kay WHO spokeswoman Margarte Harris, dahil sa nakikita nilang pagtaas ng kaso ng coronavirus sa US ay hindi malayong maging epicenter na rin ito.
Umaabot na rin kasi sa mahigit 52,000 ang kaso ng COVID-19 sa US kung saan mahigit 600 dito ang nasawi.
Kung maalala unang naging ground zero ang Wuhan City sa Huebei province sa China, sinundan ng South Korea pero agad nila itong na-contain, habang ang Italy ang itinuturing din ngayon na epicenter sa Europa.
Batay naman sa lumabas na datos mahigit na sa 53,000 ang mga COVID cases sa US, kung saan nasa halos 700 na ang mga namamatay.
Sa kabila nang naturang prediksiyon ng WHO, nais naman ni US President Donald Trump na tanggalin na ang lockdown sa kanilang bansa sa Easter Sunday sa Abril 12.
Ang nasabing petsa aniya ay mas maaga sa hula ng mga health experts na tuluyan ng maiiban ang pagkalat ng virus.
Paglilinaw naman nito na kaniyang pag-aaralang mabuti ang sitwasyon at kung sakaling hindi pa kailangan na tanggalin ang lockdown ay kaniya itong gagawin.
Magugunitang nagpatupad ng ilang linggong lockdown ang maraming estado sa Amerika dahil sa patuloy na pagdami ng mga nadadapuan ng coronavirus lalo na ang bahagi ng estado ng New York.