Nagbabala si US President Joe Biden sa Israel na ipapatigil nito ang pagsusuplay ng mga bomba at artillery shells sakaling maglunsad ito ng major ground operation sa Gaza city na Rafah.
Sinabi din ni Biden na nilinaw niya kay Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu at sa war cabinet na hindi sila magbibigay ng suporta sakaling lusubin ng Israel forces ang mataong lungsod.
Inamin naman ng US President na ilan aniya sa mga armas na kanilang ibinigay sa Israel ay ginamit sa pagpatay sa mga sibilyan na nasa Gaza.
Ang Rafah ang itinuturig na huling malaking kuta ng Hamas sa Gaza kung saan milyong katao ang lumikas dito simula ng sumiklab ang giyera sa pagitan ng Israel at Hamas noong Oktubre ng nakalipas na taon.
Una na ngang ipinagpaliban ng Amerika ang pagpapadala ng 2,000 pounds na bomba para sa Israel noong nakaraang linggo at sinabing pinag-aaralan din nito ang mga ipapadalang military aid sa hinaharap.
Ang pahayag ni Biden ay sa gitna na rin ng kinakaharap nitong domestic pressure mula sa ilang Democrats at sa mamamayan ng Amerika na limitahan ang pagpapadala ng mga armas at pigilan ang operasyon ng Israel sa Gaza sa gitna ng tumataas na bilang ng mga sibilyang namamatay at ang lumalalang humanitarian situation doon.