Nakatakdang magbigay ng talumpati si US President Joe Biden mula sa White House sa Biyernes, Nobiyembre 8 dakong 12AM, oras sa Amerika.
Ito ang magiging unang pagharap ni Biden sa publiko matapos muling manalo sa ikalawang termino ang kaniyang mahigpit na karibal noon sa presidential election na si Donald Trump at matalo ang kaniyang kapartido na si US VP Kamala Harris sa katatapos na 2024 US Presidential elections.
Nauna na ngang naglabas ng pahayag si Biden na nagpaabot ng kaniyang pagbati kay Trump.
Samantala, bagamat na-secure na ni Trump ang muling pagbabalik niya sa White House, hindi pa ito opisyal na uupong Pangulo ng Amerika.
Ang pagpapasa kasi ng kapangyarihan sa US ay malaki ang pagkakaiba sa kung paano ito ginagawa sa ibang bansa dahil bahagya itong mas matagal.
Kung saan aabutin ng mahigit 2 buwan bago makabalik si Trump sa Oval office kayat ang kaniyang inagurasyon ay mangyayari pa lang sa January 20, 2025. Mananatili pa ring Pangulo ng US si Biden hanggang sa petsang ito bagamat magiging limitado na ang kaniyang kayang gawin.