![image 43](https://xrc.bomboradyo.com/newscenter/2023/06/image-43.png)
Inihayag ng White House officials na nasa maayos na kalagayan si US President Joe Biden matapos itong matalisod at matumba sa stage sa dinaluhang graduation ceremony para sa mga nagtapos na kadete ng US Air Force Academy sa Colorado.
Natalisod ang 80 anyos na si Biden matapos hindi mapansin ang nakahambalang na sanbag pagkatapos pangunahan ang pagaabot ng diploma at nakikipagkamayan sa 921 nagtapos na kadete.
Makikita sa video na itinuturo din ni Biden ang isa sa mga sandbags na ginamit para itayo ang kaniyang teleprompter na dahilan ng kaniyang pagkakatumba habang tinutulungang makatayo ng opisyal ng US Air Force at dalawang miyembro ng kaniyang Secret Service detail.
Hindi naman nagtamo ng sugat si Biden mula sa pagkakadapa nito.
Nagawa pang magbiro ni Biden matapos ang insidente.
Hindi naman ito ang unang pagkakataon na nangyari ito kay Biden. Magugunita na ilang beses na ring nangyari ito kay US Pres. Biden kung saan natumba ito mula sa kaniyang bisiklita noong June 2022 sa morning ride nito sa Delaware at ilang beses na pagkakatalisod nito paakyat sa hagdanan ng Air Force One sa Poland.
Kayat hindi din maiwasan ng ilang kritiko ni Biden na ihayag na napakatanda na nito upang muling tumakbo pa sa ikalawang termino bilang Pangulo.
Sakali kasing manalo sa ikalawang termino si Biden ito ay tutuntong na sa edad na 82.