Inihayag ni US President Joe Biden na pipirmahan na niya bukas ang military aid bill matapos ipasa ng Senado ng Estados Unidos ngayong arw ang panukalang magbibigay ng higit sa $95-B na tulong para sa mga bansang Ukraine, Israel, at Taiwan.
Ayon kay Biden, agad niya itong pipirmahan sa oras na makarating ang panukala sa kaniyang opisina para makapagsimula na umano ang US na makapagpadala ng mga armas sa Ukraine ngayong linggo.
Sa oras na ito’y mapirmahan ni Biden, makakatanggap ang Ukraine ng $61-B na tulong habang $26-B naman ang mapupunta sa Israel at humanitarian assistance sa Gaza, Sudan, at Haiti. Nakapaloob din sa naturang panukala ang $8-B na military support para sa Taiwan.
Ipinabatid din ni Biden na ang hakbang na ito ay isang mensahe sa buong mundo patungkol sa kapangyarihan ng American leadership kung saan patuloy umano nilang isinusulong ang demokrasya, kalayaan, at paglaban sa tyranny at oppression.