Inaprubahan na ni US President Joe Biden ang emergency declarations sa estado ng Florida na epektibo mula noong Oktubre 5 dahil sa Hurricane Milton.
Ipinag-utos na rin ni Biden ang pagbibigay ng federal assistance para sa augmentation sa response efforts ng estado.
Inotorisa din ng Pangulo ang Federal Emergency Management Agency na makipagtulungan sa lahat ng disaster relief efforts at magbigay ng tulong para sa kinakailangang emergency measures para maisalba ang mga buhay at protektahan ang mga ari-arian, kalusugan at kaligtasan ng publiko.
Saklaw ng naturang emergency declaration ang 75% federal funding para sa iba’t ibang counties ng Florida.
Kinumpirma naman ni White House Press Sec. Karine Jean-Pierre ang naturang deklarasyon at tiniyak na ginagawa ng Biden administration ang lahat para matulungan ang mga maaapektuhan ng hurricane Milton
Samantala, nagsimula na ring ipag-utos ang evacuation o paglikas mula sa Gulf coast ng nasa daan-libong mga residente kasabay ng paglakas pa ng hurricane sa Category 5 storm na may sustained winds na 175 mph.
Ayon kay Florida Gov. Ronald DeSantis, posibleng tumama o mag-landfall ang hurricane sa Florida peninsula sa Tampa Bay area o Southwest Florida gabi ng Miyerkules o umaga ng Huwebes.