Kinumpirma ni US President Joe Biden na nabigyan na siya ng briefing hinggil sa nangyaring pamamaril sa isinagawang rally ni dating US President Donald Trump sa Butler, Pennsylvania kung saan sugatan ang dating Pangulo, habang isang attendee ang nasawi at ang mismong shooter.
Ayon kay Biden, ikinalugod niya na marinig na ligtas at nasa mabuting kalagayan ngayon ang dating Pangulong Trump.
Kaniyang pinapanalangin ang dating pangulo maging ang kaniyang pamilya at ang lahat na nagsipagdalo sa rally.
Aniya, gumugulong na ang imbestigasyon hinggil dito na pinangungunahan ng Secret Service.
Binigyang-diin ni Biden na walang puwang ang kaharasan sa Amerika.
Panawagan nito sa lahat na magkaisa at kondenahin ang nasabing karahasan.
Siniguro ni Biden na kaniyang kakausapin si Trump na kasalukuyang ginagamot ng kaniyang mga doktor.
” I have been briefed on the shooting at Donald Trump’s rally in Pennsylvania. I’m grateful to hear that he’s safe and doing well. I’m praying for him and his family and for all those who were at the rally, as we await further information.
Jill and I are grateful to the Secret Service for getting him to safety. There’s no place for this kind of violence in America. We must unite as one nation to condemn it,” mensahe ni Biden.
Magugunita, na habang nagsasalita si Trump sa kaniyang rally bigla na lamang narinig ang sunud-sunod na putok kung saan nasugatan sa tainga ang dating Pangulo.
Nasawi ang shooter at isang attendee ng rumisponde ang secret service.
Ayon sa liderato ng Secret Service gumugulong na ang imbestigasyon hinggil sa insidente.