Tinawag ni US President Joe Biden bilang “dangerous precedent” at nakakasira sa rule of law ang desisyon ng US Supreme Court na partial immunity kay dating Pangulong Donald Trump mula sa paglilitis sa kaniyang mga kinakaharap na kasong kriminal.
Sa isang televised statement nitong gabi ng Lunes, oras sa Amerika, inihayag ni Biden na ang naturang hatol ay isang “terrible disservice” para sa Americans.
Sinabi din nito na itinatag ang Amerika sa prinsipyong bawat isa ay pantay-pantay sa harap ng batas.
Walang sinuman ang mas nakakalamang sa batas, kahit na ang presidente ng Estados Unidos.
Samantala, binanggit din ni US President Biden ang ginawa ni Trump na pagpapadala ng mga tao sa US Capitol na nagresulta ng kaniyang kinakaharap na posibleng criminal conviction sa nangyari noong January 6.
Nararapat din aniya na magkaroon ng kasagutan ang mamamayan ng Amerika mula sa korte kaugnay sa naturang kaso bago ang nalalapit na US Presidential election.
Subalit dahil aniya sa naging desisyon ng korte, mataas ang posibilidad na hindi na ito mangyayari.
Iginiit din ni Biden na iginagalang niya na limitado at hindi absolute ang kapangyarihan ng Pangulo ng Amerika sa naging pamumuno nito nakalipas na tatlo’t kalahating taon.
Una rito, nagpasya ang US Supreme Court na lahat ng mga dating pangulo ay mayroong partial immunity mula sa criminal prosecution habang maaari namang i-apply ang absolute immunity sa mga aksiyon na ginawa bilang parte ng official duties ng pangulo subalit hindi saklaw dito ang unofficial acts sa pribadong kapasidad.
Una na ring pinuri ni Trump ang naging desisyon ng korte bilang malaking panalo para sa demokrasiya.
Kasunod ng hatol ng korte, maantala ang criminal case laban kay trump kaugnay sa umano’y pagtatangka nitong baliktarin ang resulta ng 2020 election kung saan nanalo si Biden.
Tutukuyin ngayon ng trial judge kung ano ang mga aksiyon na ginawa ni Trump sa kapasidad nito bilang pangulo na inaasahang aabutin ng ilang buwan at tila malabo pang masimulan ang anumang pagdinig sa kaso bago ang presidential election sa nobiyembre ng kasalukuyang taon.