-- Advertisements --
  • Magbibigay ng dagdag na direct budgetary aid sa Ukraine ang Estados Unidos na nagkakahalaga ng $500 million.

Ipinahayag ito ng White House matapos ang naging pag-uusap nina US President Joe Biden at Ukrainian President Volodymyr Zelensky via phone call upang pag-usapan pa rin ang patuloy na pagsuporta ng Amerika sa Ukraine laban sa Russia.

Ayon sa White House, ang naturang tulong pinansyal ay layuning tulungan ang pamahalaan ng Ukraine na mabayaran ang mga pasahod sa mga tao at iba pa.

Sinabi rin nito na tinalakay ng dalawang leader kung paano ginagawa ng Estados Unidos ang lahat ng makakaya nito upang matupad ang mga pangunahing kahilingang security assistance ng Ukraine, at patuloy na pagsisikap ng Amerika kasama ang iba pang mga kaalyado nito sa pagtukoy sa mga karagdagang tulong para sa Ukrainian military upang maipagtanggol nito ang kanilang bansa laban sa Russia.

Sa kabilang banda naman ay ibinahagi rin ni Zelensky sa isang statement na nagsagawa sila ng assessment sa kasalukuyang sitwasyon ngayon sa kanilang bansa.

Kabilang sa mga ito ay ang mga specific defensive support, bagong mga sanctions laban sa Russia, macro-financial at humanitarian aid.

Ginanap ang pag-uusap ng mga pinuno ng dalawang bansa kagabi na tumagal naman sa loob ng humigit-kumulang isang oras.

Ukrainian refugees mahigit 4-M na

Samantala, pumalo na sa mahigit apat na milyon ang bilang ng mga Ukrainian refugee ang nakaalis na sa kanilang bansa sa loob ng limang linggong pagsalakay ng Russia dito, ayon sa United Nations refugee agency .

Sa datos ay nasa 4,019,287 na mga inbdiwal na ang nakaalis sa Ukraine, kung saan mahigit 2.3 million sa mga ay nagtungo sa Poland, habang ang iba naman ay lumikas na rin sa iba pang mga karatig bansa nito.


Russia nag-anunsyo ng local ceasefire sa Mariupol

Sa kabila nito ay nag-anunsyo naman ang Russian defense ministry ng local ceasefire sa lungsod ng Mariupol sa Ukraine, na layunin naman na mapahintulutan ang mga sibilyan na makalikas.

Bubuksan mula alas-10:00 ng umaga ang Russian-controlled port of Berdiansk para magsilbing humanitarian corridor mula Mariupol hanggang Zaporizhzhia.

Ipinahayag din ng Russian ministry na sumang-ayon ito sa naging mungkahi ng Kyiv na buksan ng 24 oras ang apat na bagong humanitarian corridors mula Mariupol patungong Zaporizhzhia.

Magugunita na una rito ay nagpahayag si US President Biden at iba pang mga US official ng extreme caution laban sa mga hakbang ng Russia na pagbabawas ng operasyong militar nito sa paligid ng Kyiv na sinasabing posibleng nagsasagawa daw ng redeployment ang mga ito na pinangangambahan naman ng Amerika sa posibleng mas malala pang mga pag-atake nito sa iba pang bahagi ng Ukraine.