Todo papuri si United State President Joseph Robinette “Joe” Biden Jr. sa mga hakbang ng Pilipinas sa pagtugon sa COVID-19 pandemic, gayundin sa iba pang mga suliranin.
Ginawa ito ni Biden sa bilateral meeting nila ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa sidelines ng 77th United Nations General Assembly (UNGA), na idinaraos sa New York, USA.
Ayon sa US president, na-impress siya sa mga hakbang ng pamahalaan sa malalaking suliranin, partikular na ang isyu ng pandemya.
Nais ding makatulong ng America sa isyu ng enerhiya at maging sa pagpapanatili ng kapayapaan sa pinagtatalunang bahagi ng karagatan.
Nagpasalamat naman si Pangulong Marcos sa lahat ng tulong na ipinaabot ng Estados Unidos, lalo na noong kapos pa sa bakuna laban sa COVID-19 ang ating bansa.
Umaasa aniya ang Pilipinas na lalo pang magiging matatag ang matagal nang ugnayan at pagtutulungan ng dalawang bansa.
Ipinagmalaki naman ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na tanging ang Pilipinas ang napagbigyan na makaharap ni President Biden para sa bilateral talks.