Sa isinagawang fireworks display sa victory speech ni US President-elect Joe Biden, inalala nito ang pumanaw na anak na si Beau.
Ipinaalala rin nito ang kontribusyon ng yumaong anak sa kanyang pagkapanalo ngayon.
Kabilang sa kanta na pinatugtog sa victory speech ni Biden ay ang “Sky Full of Stars” ng Coldplay na isa sa pinakapaboritong awitin daw ng banda ni Beau Biden.
Sa libing ni Beau noong 2015, pinatugtog ni Chris Martin ng Coldplay ang “’Til Kingdom Come.”
Ayon sa report nagboluntaryo si Martin na mag-perform sa funeral noon ni Beau matapos malaman na fan pala si Beau ng Coldplay.
Tinugtog din ang kantang “Sky Full of Stars” sa fireworks show matapos tanggapin ni Biden ang Democratic nominee noong nagdaang summer.
Sa talumpati ni Joe Biden, kaniyang binanggit ang kaniyang paboritong awitin na “On Eagle’s Wings” na isang popular na Catholic hymn na paborito rin ng kaniyang anak na si Beau.
Si Biden, 77, ang ikalawang presidente ng Amerika na Katoliko katulad ng yumaong dating presidente na si John F. Kennedy.
Samantala, aminado naman ang president-elect na inspirasyon niya ang kaniyang pumanaw na anak noong kasagsagan ng kampanya.
Umaasa naman si Biden na ang nasabing awitin ay magbibigay ng “comfort” sa mga Amerikano na nawalan ng mahal sa buhay dahil sa coronavirus pandemic.