Siniguro ni US President Joe Biden na magpapatuloy ang serbisyo nito sa mga mamamayan ng Estados Unidos sa kabila ng tuluyan niyang pag-atras sa nalalapit na presidential elections para sana sa kanyang ikalawang termino.
Sa kanyang pinakaunang public speech mula nang inanunsyo ang hindi na pagtakbo sa nalalapit na halalan, sinabi ng pangulo na ang pagliligtas sa demokrasya ay mas mahalaga kaysa sa anumang titulo, kasabay ng pagkilala at pagtanggap na panahon na upang ipasa ang tanglaw sa bagong henerasyon ng mga lider.
Sa mga nakalipas na linggo ay naging malinaw umano para sa kanya na kailangan niyang pagkaisahin ang kanyang mga kasamahan sa partido.
Dahil dito ay napagtanto umano ng pangulo na ang pinakamainam na paraan para sumulong ay ang bigyan ng pagkakataon ang mga bagong henerasyon.
Mayroon aniyang panahon at lugar para sa mga taong may mahaba-habang panahon ng kasanayan at kaalaman, ngunit mayroon ding lugar at oras para sa mga bago at mas batang mga boses.
Siniguro naman ng pangulo na gugugulin niya ang susunod na anim na buwan na nalalabi sa kanyang termino upang magpatupad ng mga nakahanay na programa, palaguin ang ekonomiya ng US, protektahan ang karapatan ng bawat mamamayan, labanan ang karahasan, at iba pa.
Ayon pa sa US President, kailangang pumili ng US sa pagitan ng ‘moving forward’ o ‘backward’, kailangang pumili sa pagitan ng pagkakaisa o pagkakawatak-watak, pag-asa o pagkamuhi.
Hinikayat ng pangulo ang mga mamamayan ng US na tingnan ang kanilang mga nakakasagutan hindi bilang mga kaaway kungdi bilang mga kapwa amerikano, at simulan na ang pagtutulungan at pagkakawanggawa.
Sa huli, muli ding hiniling ni Biden ang suporta ng publiko para sa papalit sa kanya sa US presidential elections, si US Vice President Kamala Harris.
Ayon sa pangulo, taglay ni Harris ang lahat ng kapabilidad para maging pangulo ng US.
Tinawag niya rin si Harris bilang ‘tough, incredible’, at may sapat ng kasanayan.
Nitong nakaraang linggo ay tuluyang umatras si Biden sa pagtakbo niya bilang pangulo ng US at tuluyang inendorso si Harris na papalit sa kanya.
Bagaman wala pang opisyal na endorsement mula sa buong Democrat, maraming mga Democrats na rin ang naghayag ng kanilang suporta kay Harris, kabilang ang ilang mga kongresista at mga state governor ng US.
Sa panig ng Republican, nananatili naman ang malawakang pangangampanya at kabilaang political rally ni US Presidential candidate Donald Trump.