Usap-usapan ang pagiging emotional ng rapper na si Kanye West sa pagharap nito sa audience sa isang event sa North Charleston, South Carolina.
Ang talumpati ni West na mistulang monologue ay kauna-unahan mula nang magdeklara ito bilang presidential candidate sa November elections.
Partikular na nagdulot ng emosyon kay Kanye ay nang matalakay niya ang isyu sa abortion.
Ayon kay West bagamat naniniwala siya na dapat maging legal ang abortion, dapat din daw mabigyan ng financial incentives ang mga naghihirap na ina upang hindi nito ituloy ang gagawin.
Sa kanyang pagsasalita na walang michrophone, lalo itong umiyak nang mabanggit ang ina na namatay sa plastic surgery complications noong 2007, gayundin ang kanyang misis na TV star na si Kim Kardashian West.
Nakasuot si West ng protective vest at may nakaukit na “2020” na ginupit niyang buhok.
Una rito, nabigo si West na mag-qualify na maihabol ang kanyang pangalan sa ballot sa isang estado.
Habang noong nakaraang linggo pumasok ang kanyang pangalan sa presidential ballot sa Oklahoma makaraang maabot niya ang filing deadline.