-- Advertisements --

Ilang oras na lamang bago ang unang presidential debate para sa United States 2024 presidential elections at marami na ang nag-aabang para sa isasagawang debate ng dalawang nagsilbi at nagsisilbing pangulo ng tinaguriang pinakamayamang bansa sa buong mundo.

Pero hindi katulad noong unang paghaharap ng dalawa para sa 2020 presidential elections, may ilang mga pagbabago sa isasagawang debate mamaya. Kinabibilangan ito ng mga sumusunod:

1. Walang magiging studio audience. Ibig sabihin, walang magpapakita ng suporta sa loob ng studio, walang mag-cheer o kokontra sa mga kandidato, anuman ang magiging takbo ng kanilang debate.

2. Otomatikong papatayin ang mic ng kandidato na sosobra ang sasabihin kaysa sa naibigay sa kanyang speaking time. Wala ding madalas na interruption dahil papatayin ang mic ng kandidato kapag hindi niya oras na magsalita.

3. Itinakda ang debate sa loob ng 90 mins.

Samantala, una nang pumayag ang dalawang kandidato na tatalima sila sa mga panuntunan na gagamitin para sa naturang debate.

Ilan dito ay ang mga sumusunod:

1. Mabibigyan lamang ng isang pen, papel, at bottled water ang bawat kandidato, pagpasok sa forum.

2. Hindi pinapayagan ang dalawa na gumamit o magdala ng props o notes.

3. Dahil ito ay televised debate, si Biden ay tatayo sa right side ng mga manonood habang si Trump ay sa left side.

4. Nagkaroon ng coin toss upang matukoy kung sino ang huling magsasalita at napunta ito kay Trump. Ibig sabihin, si Trump ang magbibigay ng last word.

5. Hindi pwedeng mag-interrupt ang mga campaign staff sa dalawang kandidato sa loob ng dalawang break na napagkasunduan.

Sa kasalukuyan, si Biden ay 81 y/o habang si Trump ay 78 y/o. Ang dalawa ay silang pinakamatatandang kandidato sa pagkapangulo sa kasaysayan ng US.

Marami na ang sa ngayon ay nag-aabang sa magiging debate kung saan inaasahang tatalakayin ang ilang mga mahahalagang isyu sa US, katulad ng mataas na presyo ng mga bilihin, mga migrants sa US-Mexico border, at ang nagpapatuloy na Israel-Gaza at Russia-Ukraine war.