Binasahan ng sakdal ng special counsel na si David Weiss ang anak na lalaki ni US President Joe Biden na si Hunter Biden may kaugnayan sa baril na kaniyang binili noong 2018.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng Amerika na kinasuhan ng Justice Department ang anak ng nakaupong Pangulo ng Estados Unidos.
Kabilang sa tatlong kaso na ito ay ang paggawa ng false statements sa federal firearms form at posession of a firearm as a prohibited person.
Base sa indictment, bumili si Hunter Biden ng revolver noong Oktubre 2018 sa isang gunshop sa Delaware kung saan nagsinungaling umano ito sa kaniyang inilagay sa federal form nang nanumpa itong hindi siya gumagamit at hindi addicted sa anumang iligal na droga kahit na ito ay dumaranas ng cocaine addiction nang bilhin nito ang baril.
Maituturing kasing isang federal crime ang magsinungaling sa ATF form o magmay-ari ng baril kapag ang isang indibidwal ay drug user.
Sa panig naman ni Hunter Biden, sinabi ng kaniyang abogado na si Atty. Abbe Lowell na ang indictment ay resulta lamang ng political pressure.
Maliban pa sa gun charges, tinitimbang din ng special counsel kung kakasuhan si Hunter Biden ng tax crimes.
Sakaling mahatulan si Hunter Biden, posibleng maharap ito ng hanggang 25 taon pagkakakulong at multang aabot hanggang $750,000 ayon sa court filings.