Todo papuri ngayon si US National Security Adviser Jake Sullivan sa Pilipinas matapos tumanggap ng mga Afghan refugees kasunod nang pagkontrol ng Taliban militants sa Afghanistan.
Pinasalamatan din ni Sullivan ang Philippine government sa pagpupulong kasama si Foreign Affairs Teodoro Locsin Jr. at Defense chief Delfin Lorenzana sa Washington, D.C.
Kasabay ng kanilang pagpupulong ang ika-70 anibersaryo ng Mutual Defense Treaty ng Pilipinas at Amerika.
Una rito, bagamat walang detalye ay inanunsiyo ni Locsin noong Miyerkules na mayroon nang tinanggap ang Pilipinas na mga Afghan refugees.
Hindi naman nabanggit ni Locsin kung ilang Afghans ang dumating sa bansa.
Una nang sinabi ng Department of Justice (DoJ) na dadaan sa butas ng karayom ang mga Afghans na naiipit sa kaguluhan sa Afghanistan na nais makakuha ng refugee status dito sa Pilipinas.
Sinabi ni Justice Sec. Menardo Guevarra na magsasagawa ang DoJ ng masusing evaluation sa mga Afghans na umalis na sa kanilang bansa at tutungo dito sa Pilipinas matapos makuha ng militant group na Taliban ang kapangyarihan doon.
Sakaling dumating umano sa bansa ang isang Afghan national at nais mag-apply para sa permanent status bilang refugee ay dadaan sila sa DoJ-Refugees and Stateless Person Unit para sa evaluation.