Sinanay ng US troops ang mga Pilipinong sundalo para maging pamilyar sa paggamit ng Avenger Air Defense System na itinuturing na primero o kauna-unahang shoot-on-move air defense platform ng US.
Sa isang statement, sinabi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nagsama ang mga sundalo ng Pilipinas at Amerika na nakikilahok sa taunang Balikatan exercise sa Naval Education, Training and Doctrine Command sa Zambales para sa isang joint formation at activity briefing kahapon, Abril 22.
Nakasentro ang naturang pagsasanay sa pagkabisado ng mga Pilipinong sundalo sa Avenger Air Defense System maging sa primary armament nito na FIM-92 Stringer missile.
Ang Avenger ay isang mataas na klase ng mobile short-range air defense system kung saan pinagsasama nito ang walong ready-to-fire na Stringer missiles mula sa Humvee na isang military transport vehicle.
Nagbibigay ito ng rapid target engagement laban sa low-flying aircraft, helicopters at unmanned aerial systems.
Habang kilala naman ang Stringer missile nito para sa infrared homing guidance at fire-and-forget capability, na nagbibigay daan sa operators na agad ma-neutralize ang mga banta sa himpapawid nang may mataas na tiyansang matamaan ang target.
Ang palitan na ito ng kasanayan sa pagitan ng mga sundalo ng PH at Amerika ay nagpapalakas pa ng tactical synchronization, nagpapahusay sa combined operational readiness, at nagpapakita ng matatag na interoperability at mutual commitment ng dalawang pwersa para sa seguridad sa rehiyon at kahandaan sa pagdepensa.