-- Advertisements --
image 194

Sinusuportahan ng United States ang Pilipinas laban sa naiulat na military-grade laser na nakatutok sa Philippine Coast Guard (PCG) sa Ayungin Shoal.

Bilang kaalyadong bansa, kasama ang Pilipinas, itinataguyod nila ang rules-based na international maritime order.

Ayon sa inilabas na pahayag ng US Department of State, Spokesperson Ned Price, ang aksyon ng Chinese Coast Guard (CCG) na pagtutok ng military-grade laser sa Philippine Coast Guard, ay humihimok ng mutual defense commitments ng US sa Pilipinas sa ilalim ng Article IV ng 1951 Philippine Mutual Defense Treaty.

“As reflected in an international tribunal’s legally binding decision that issued in July 2016, the People’s Republic of China has no lawful maritime claims to Second Thomas Shoal,” ayon sa press release ng U.S. Department of State.

Dagdag pa rito, nananawagan ang United States sa People’s Republic of China na sumunod sa batas gaya ng nakasaad sa 1982 Law of the Sea Convention, at sa 2016 arbitral decision.

Matatandaang noong Pebrero 6, idinirekta umano ng Chinese Coast Guard ang military-grade laser sa Philippine Coast Guard na naging dahilan ng temporary blindness ng mga crew ng PCG.

Ang ginawang ito ng CCG ay malinaw na nagbabanta sa katatagan ng operasyon ng PCG sa West Philippine Sea.