Naglabas na ng panibagong travel advisory ang US State Department na nagbababala sa mga American nationals na iwasan munang bumisita sa China.
Ito ay kasunod ng muling pagtaas ng naitalang death toll sa nasabing bansa dahil sa sakit na Wuhan coronavirus kung saan umabot na sa 213 katao ang nasawi.
Una nang nagdeklara ang World Health Organization (WHO) ng global health emergency dahil sa naturang krisis.
Hindi naman nagkomento patungkol sa nasabing travel warning ang Beijing ngunit iginiit nito na ginagawa ng kanilang gobyerno ang pinaka komprehensibong paraan para malabanan ang sakit.
Samantala, patuloy pa rin ang labas-pasok ng mga tao sa Hubei province sa China sa kabila ng ipinatupad na lockdown sa lugar.
Tumatawid ang mga ito sa pamamagitan ng Jiujiang Yangtze River Bridge na matatagpuan sa pagitan ng mga probinsya ng Jiangxi at Huanggang na kapwa malapit sa Hubei.
Kung kaya’t maraming kritiko ang bumabatikos ngayon sa pagiging epektibo ng lockdown na ipinatupad ng Chinese government.