-- Advertisements --

Ipinagmalaki ni Philippine Navy Flag Officer-in-Command Vice Admiral Robert Empedrad na may kakayahan na ngayon ang Philippine Navy na maka-monitor ng mga submarine.

Sinabi ni Empedrad, naka-detect ang BRP Conrado Yap ng submarine nang bumiyahe ito sa Palawan na kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng Philippine Navy.

Batay aniya sa report, isang US submarine ang na-detect sa pamamagitan ng sonar ng BRP Conrado.

Ang BRP Conrado Yap na isang dating pohang-class corvette mula sa South Korea ang pinakamalakas na barko sa kasalukuyan ng Philippine Navy na dineliver noong August 2019.

Ayon Kay Empedrad “very challenging” ang pag-detect ng mga submarine at kung tatanggalin ang tubig sa dagat ay malamang na hindi bababa sa 50 ang mga submarine na makikitang umaaligid sa karagatan ng bansa.

Dahil aniya sa bagong kapabilidad na ito ng Philippine Navy, kailangang mag-develop ng mga bagong doktrina sa magiging aksyon ng Philippine Navy kapag maka-detect ng submarine.

Makukumpleto na rin aniya sa taong ito ang anti-submarine capability ang Philippine Navy sa pagdating ng mga torpedoes at missiles na ikakabit sa dalawang bagong anti-submarine helicopters na kasalukuyang pinagsasanayan i-operate ng mga naval air-wing pilots.