-- Advertisements --

Sinusuportahan ng US ang Pilipinas sa pagbatikos nito sa unilateral seasonal fishing ban na idineklara ng China malapit sa bahagi ng West Philippine Sea.

Sa isang statement sinabi ni US State Department spokesperson Ned Price na ang unilateral fishing moratorium ng China sa disputed territorial water ay salungat sa 2016 Arbitral Tribunal ruling at international law na nakasaad sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

Nanawagan din ito sa China na sumunod sa obligasyon nito sa ilalim ng international law.

Ipinunto din ng US official ang naging pahayag ng Pilipinas hinggil sa inihaing diplomatic protest ng Department of Foreign Affairs para sa unilateral imposition ng tatlo’t kalahating buwan na fishing ban na saklaw dito ang mga lugar sa may West Philippine Sea kung saan may kalayaan, sovereign rights at hurisdiksyon ang Pilipinas.

Nauna rito, pinatawag ng Pilipinas noong Martes ang isang Chinese diplomat kaugnay sa anunsiyo na unilateral fishing ban at umano’y harrassment ng marine research vessel ng isang Chinese coast guard ship.