Suportado ng Amerika ang pagsasabatas ng gobyerno ng Pilipinas ng Maritime Zones Act.
Kaugnay nito sa isang statement, hinimok ni US State Department spokesperson Matthew Miller ang lahat ng bansa na manindigan sa international law partikular na sa disputed waters at ibase ang kanilang maritime claims sa 1982 UN Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Saad pa ng US official na nakahanay ang nasabing bagong batas sa Philippine domestic laws kasama ang 1982 Law of the Sea Convention at 2016 Arbitral Tribunal ruling. Malinaw din aniyang tinutukoy nito ang territorial sea, exclusive economic zone at iba pang saklaw na maritime zones ng PH.
Pinapahalagahan din aniya ng Amerika ang pangunguna ng Pilipinas sa pagpapatibay ng international law partikular na sa pinagtatalunang karagatan na sumasaklaw sa West Philippine Sea.
Matatandaan na nitong Biyernes, Nobiyembre 8 nang lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Philippine Maritime Zones Act sa pagsisikap na mapalakas pa ang paggiit ng karapatan ng ating bansa at pananagutan sa loob ng ating maritime zones.